Walang nakitang ebidensiya ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng Immigration personnel at ni dating Bamban Mayor Alice Guo para makalabas siya ng Pilipinas.
Sa isang statement, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na walang ebidensiya na dumaan si Guo sa pamamagitan ng immigration.
Binanggit din ng PAOCC official ang testimoniya ng foster child ng ama ni Alice Guo na si Sheila Guo sa Senate panel na umalis sila ng Pilipinas sa pamamagitan ng maliit na bangka.
Kayat wala aniyang immigration personnel na nag-accomodate o tumulong sa kanilang makalabas ng bansa. Gayunpaman kailangan din aniyang mapakinggan ang testimoniya ni Alice Guo hinggil dito.
Ginawa ni Casio ang pahayag matapos akusahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang immigration bureau na tumulong umano sa pagtakas ni Guo palabas ng bansa sa gitna ng paggulong ng mga imbestigasyon sa kongreso kaugnay sa mga krimen may kaugnayan sa ilegal na operasyon ng sinalakay na POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban, Tarlac.