DAVAO CITY – Umapela ang presidential son at Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa mga kapwa kongresista na huwag gamitin ang kanyang pangalan sa isyu ng House speakership.
Ayon sa anak ng Pangulong Duterte, ayaw niyang masangkot sa anumang laro na ginagawa ng mga kongresista sa pagkampanya ng kani-kanilang manok sa susunod na lider ng Lower House.
Kamakailan kasi nang makaabot umano sa tanggapan ng nakababatang Duterte ang isang ulat na may sinusuportahan itong kandidato sa pagka-speaker.
Una nang inindorso ng partido ni Duterte na PDP-Laban sina Leyte Rep. Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano para sa posisyon.
Pero sa kabila nito, nanindigan ang presidential son at former Davao City vice mayor na kahit malapit sa kanya ang mga speaker aspirants ay may limitasyon ito sa pagbibigay ng boses sa susuportahan.
Hinimok din ni Pulong ang kapwa mambabatas na pumili ng karapat-dapat na pumalit kay dating Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.