ILOILO CITY – Nakatakdang ordinahan na ngayong araw upang maging Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Cebu si Bishop-elect Mydiphil Billones.
Gagawin ang seremonyas na inaasahang tatagal ng dalawang oras sa Jaro Metropolitan Cathedral, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Angelo Colada, tagapagsalita ng Archdiocese of Jaro, ang seremonya ay dadaluhan nina Archbishop Gabriele Giordano Caccia, papal Nuncio to the Philippines, Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo, Cebu City Archbishop Jose Serofia Palma, Davao City Archbishop emeritus Fernando Robles Capalla, ilang mga arsobispo, obispo at mga pari sa bansa.
Sinabi ni Fr. Colada na si Caccia ay tatayong kahalili ni Pope Francis at magbabasa ng sulat ng Santo Papa para kay Billones.
Pagkatapos na maordinahan, si Billones ang magsisilbing assistant ni Archbishop Palma sa Cebu City.
Itnuturing naman ng Archdiocese of Jaro na karangalan para sa Western Visayas ang pagkakatalaga kay Billones matapos siyang i-appoint ni Pope Francis noong Hulyo.
Si Billones ay ipinanganak sa Pan-ay, Capiz, nag-aral sa St. Vincent Ferrer Seminary at nagtapos ng Theology sa San Jose Seminary sa Ateneo De Manila Loyola School of Theology.
Nag-iisa na lamanng si Billlones dahil patay na ang kanyang mga magulang at nag-iisang kapatid.
Si Billones ay nagsilbi noon bilang parochial vicar sa Archdiocese of Jaro, bilang secretary ni Archbishop Alberto Jover Piamonte at naging secretary at vice chancellor noong panahon ni Archbishop emeritus Angel Lagdameo.