-- Advertisements --
janiuay

(Update) ILOILO CITY – Hinihintay pa ng kampo ni outgoing Janiuay, Iloilo Vice Mayor Jojo Lutero kung sino ang uupo bilang bagong alkalde ng nasabing bayan.

Ito ay kasunod ng pagsailalim ni Mayor-elect Frankie Locsin sa hospital arrest matapos hinatulan ng Sandiganbayan First Division na guilty sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Napag-alaman na si Lutero ay nakakuha ng pangalawang pinakamataas na boto sunod kay Locsin noong mayoralty elections.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Bert Cataluña, legal counsel ni Lutero, sinabi nito na hihintayin pa nila kung ano ang magiging desisyon ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa abogado, nakadepende pa sa Comelec kung si Lutero ang kanilang kikilalanin na bagong alkalde ng bayan ng Janiuay, Iloilo dahil siya ang nakakuha ang pangalawang may pinakamaraming boto noong halalan.

Paliwanag ni Atty. Cataluña, kung ang conviction ay lumabas bago ang halalan, ang kandidato na may 2nd highest na boto ang uupong alkalde, ngunit kapag ang desisyon ay inilabas matapos ang eleksyon, ang vice mayor elect na si Ben Margarico ang siyang aakyat sa posisyon bilang Mayor.

Napag-alaman na ang nasabing desisyon ay nag-ugat sa pagbili ng medical supplies sa halagang P15 million mula sa Priority Development Assistance Fund ni Sen. Vicente Sotto III noong 2001 kung saan si Locsin pa ang umuupong presidente ng Leauge of Municipalities of the Philippines Iloilo Chapter.

Pinagtibay naman ng Korte Suprema ang desisyon ng Sandiganbayan ukol sa kasong graft ng alkalde noong 2015.

Sa ngayon, naka hospital arrest pa rin si Locsin dahil sa hypertension at pneumonia matapos inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) habang kumukuha ito ng clearance para sa kanyang baril.