-- Advertisements --

Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananagot ang lahat ng dawit sa pagkamatay ng kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na si Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Ayon kay AFP chief General Benjamin Madrigal, inatasan na raw nila ang PMA upang magsagawa ng mabilis at masinsinang imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang mga nangyari.

“We will also hand over those responsible to proper authorities and let the wheel of justice turn,” wika ni Madrigal.

Dadaan din umano sa tamang proseso ang pagsisiyasat at gumagawa na rin daw sila ng mga kinakailangang hakbang upang tiyaking hindi na ito mauulit.

Tinuligsa din ng militar ang kultura ng hazing, at binigyang-diin nito na hindi nila kukunsintihin ang anumang mga aksyon na maglalagay sa buhay ng kanilang mga tauhan sa kapahamakan.

“The Armed Forces of the Philippines extends its most heartfelt and sincerest condolences to the family of Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio,” ani Madrigal.

Samantala, nakiramay din si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na graduate ng PMA Class of 1986, sa pamilya ni Dormitorio.

Una nang kinumpirma ng pamunuan ng PMA na hazing ang ikinamatay ng kadete.