Hindi inaalis ng Pagasa ang posibilidad na maapektuhan ang ilang lugar na pagdarausan ng SEA Games 2019.
Ayon kay Pagasa Deputy Administrator for Operations and Services Landrico “Jun” Dalida, Jr., maaaring ulanin ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa makapal na ulap na dala ng typhoon Kammuri o tatawaging “Tisoy” kapag nasa loob na ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaya naman, ibayong pag-iingat ang ipinapayo ng weather bureau sa lahat, lalo na sa mga nasa mabababang lugar.
Huling namataan ang sentro nito sa layong 1,430 km sa silangan ng Visayas.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 120 kph at may pagbugsong 150 kph.
Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.
Inaasahang papasok ito sa PAR sa darating na araw ng Linggo.