Kritikal ang papel ng Human Resource management sa sektor ng publiko sa pagharap sa hamon ng panahon kaugnay sa pagbabago sa workplace dulot ng Covid-19 pandemic.
Ito ang binigyang-diin ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Alexie Nograles sa kanyang virtual message sa idinaos na ‘Seminar-Conference on Public Sector Productivity’ sa Development Academy of the Philippines (DAP).
Ayon kay Nograles, ang pandemya na naging problema sa buong mundo ay nagdulot ng pagbabago kung paano magsisipagtrabaho ang mga tao at paano kikilos ang mga organisasyon.
Ipinunto ni Nograles na ang HR ay dapat na maging episyente at istratehiko, at mainam na palakasin ang Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) ng ahensiya, na nagsusulong din para sa digital transformation.
Binigyan-diin pa ni Nograles na nakatuon ang CSC sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga nagtratrabaho sa gobyerno para makaagapay ang mga ito sa pagbabagong dala ng modernong teknolohiya.