KALIBO, Aklan —- Kinumpirma ni Atty. Selwyn Ibaretta, provincial administrator ng Aklan na nagkaroon ng aberya ang kanilang sistema noong Nobyembre 16 dahilan na na-stranded ang ilang mga turista sa Ninoy Aquino International Airport.
Aniya, may sapat na silang mga validators upang tumanggap ng mga tourist applications.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,000 hanggang 1,500 ang aplikasyon na pino-proseso ng provincial government bawat araw para sa QR code.
Nauna dito, ilang mga turista ang nag-alburuto matapos na hindi nakahabol sa kani-kanilang flights dahil sa kabiguang makakuha ng required na QR codes sa tamang oras.
Kasabay ng pag-alis sa RT-PCR test sa mga travel requirements sa mga fully vaccinated na mga turista, bumuhos ang mga bisita noong Lunes sa Boracay.
Kaugnay nito, inabisuhan ni Atty. Ibaretta ang mga turista na agahan ang pagsumite ng aplikasyon para sa QR codes o 24 oras bago ang kanilang flight upang iwas-aberya.
Sa kabilang daku, isang turista mula sa Bacolod City na kinilalang si Lenmar Davidon ang agaw-atensyon matapos mag post sa kanyang social media ng malaking tarpaulin na naka-print ang kopya ng kanyang QR code.
Batay sa record ng Malay Tourism Office, mula Nobyembre 1 hanggang 14, ang tourist arrivals ay umaabot na sa 24,355, kung saan karamihan dito ay nagmula sa National Capital Region (NCR).