-- Advertisements --
PADS Dragonboat Team

CEBU CITY – Lubos ang pasasalamat ng Philippine Accessible Disability Services (PADS), Inc. Dragonboat Racing Team matapos manalo sa kompetisyon sa Thailand.

Apat na gintong medalya kasi ang kanilang nasungkit sa 14th International Dragon Boat Federation (IDBF) World Nations Championships na ginanap sa Pattaya, Thailand.

Ayon sa team manager at PADS founder na si JP Ecarma Maunes, nakamit nila ang kanilang pangarap na makasali sa pinakamalaking dragon boat racing competition kung saan aabot sa 30 bansa ang sumali.

Ipinagmamalaki ni Maunes na nakuha nila ang atensyon ng buong mundo sa kanilang pagkakapanalo.

Nakuha ng Philippine delegation ang apat na gold, dalawang silver, at apat na bronze medals mula sa iba’t ibang mga dragon boat categories.

PADS dragon boat
Philippine Accessible Disability Services (PADS), Inc. file photo

Hiling naman ngayon ng PADS dragonboat team na bigyang pansin ng local government unit sa Cebu ang kanilang pagkakapanalo sa pamamagitan ng pagbigay atensyon sa mga katulad nilang PWD paddlers.

Nabatid na nanggaling sa kani-kanilang personal na pondo ang ginamit upang makapunta sa Thailand.