(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Mismong si Police Regional Office-10 director Brig/Gen Rolando Anduyan ang magsasagawa ng follow up sa Camp Crame ukol sa resulta ng ballistic results ng kalibre .45 na baril at ang narekober na slug mula sa pinangyarihan ng indiscriminate firing sa bayan ng Sapad, Lanao del Norte.
Ito ay matapos kinumpirma ni Anduyan na positibo sa paraffin test ang isa sa lima na persons of interest (POI) na tinutukan ng kanyang police investigators kaugnay sa nangyaring pagkasawi ng 12-anyos na si Suzzette Manamparan dahil tinamaan ng ligaw na bala ang ulo noong kasagsagan ng pagdiriwang ng bagong taon sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Anduyan na bagamat positibo na sa paraffin test ang nabanggit na POI subalit kakailanganin pa na mag-match din ang resulta ng ballistic ng baril at slug ng bala upang tuluyang tukuyin ito na nasa likod nang indiscriminate firing na ikinamatay ng biktima.
Inihayag nito na ito ang dahilan kaya mismo rin siya ang magsasagawa ng follow up ukol sa resulta lalo pa’t nasa Camp Crame ang lahat ng regional directors para sa kanilang regular monthly command conference.
Magugunitang una nang nagboluntaryong sumuko ang nabanggit na POI upang linisin ang kanyang pangalan kaugnay sa umuugong na usapin na ito ang nasa likod ng pagkasawi ni Manamparan noong madaling araw ng Enero 1.