-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi muna itutuloy ang tourist attraction na paragliding activity sa Lepanto Airstrip, Mankayan, Benguet.

Ayon kay Mankayan Mayor Frenzel Ayong, hindi pa nila itinuloy ang assesment sa nasabing aktibidad dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan.

Sinabi niyang nagtungo na doon ang mga paragliding experts at kanilang inobserbahan ang paragliding activity.

Gayunpaman, sinabi niyang hindi natuloy ang plano dahil naisailalim sa lockdown ang lugar noong Sabado.

Iginiit ng alkalde na hindi muna nila itutuloy ang paragliding activity sa Mankayan hanggat hindi masusugpo ang COVID-19 sa kanilang bayan.

Batay sa rekord ng Benguet Provincial Health Office, aabot na sa 118 ang kaso ng COVID-19 sa Mankayan, 94 sa mga ito ang aktibong kaso habang 24 ang recoveries.