-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinag-aaralan na ngayon ang posibilidad na maging tourist attraction ang paragliding activity sa bayan ng Mankayan, Benguet partikular sa Lepanto Airstrip.

Ayon kay Mankayan Mayor Frenzel Ayong, malaki ang potensyal na maging tourism site ang lugar pagkatapos ng wastong pag-aaral.

Aniya, nagtungo doon ang mga paragliding experts at matagumpay ang isinagawa nilang tatlong attempt sa paragliding.

Inihayag niyang inaasahang babalik ang mga paragliding experts para subukan nila ang paramotor o paragliding motor.

Ipinaliwanag ng alkalde na kailangang malaman kung gaano kalayo ang maaaring marating ng mga paragliders mula sa starting point hanggang sa Lepanto Airstrip.

Tiniyak ni Ayong na ligtas ang lokasyon ng nasabing aktibidad ngunit kailangan lamang na maputol ang sanga ng mga malalaking punong-kahoy sa paligid para maiwasan ang aksidente.

Ayon pa sa opisyal, magsisilbing landing site ng mga paragliders ang rehabilitated dam sa Proper Baco.

Umaasa si Ayong na malaki ang maitutulong nito sa livelihood ng mga residente ng Mankayan, Benguet.