GENERAL SANTOS CITY – Pinapabawi ngayon ng GenSan City Council ang lahat ng recognition, rekomendasyon at citation na iginawad sa dating city PNP director na si Police Col. Raul Supiter.
Pinagtibay na ang urgent resolution ng sangguniang panglungsod makaraang magkaisa ang lahat ng mga konsehal ng lungsod dahil hindi umano nagampanan ni Supiter ang kaniyang tungkulin at hindi nabigyan ng sapat na hakbang ang pagkakaugnay ng mga pulis sa kontrobersyal na multi-billion peso Police Paluwagan Movement o PPM scam.
Sinasabing hinayaan daw ni Supiter na masangkot ang kaniyang nasasakupang mga pulis na masangkot at mabiktima sa P2 billion investment scam.
Nabatid sa report na sa loob pa mismo ng Camp Fermin Lira ng General Santos City Police Office nangyari ang mga transaksyon kaugnay sa PPM.
Kaya naman marami umano sa mga pulis sa lungsod ang nabiktima nito.
Tinukoy pa si Supiter bilang isa sa mga opisyal na sangkot sa nasabing investment scam.
Habang si Shiela Agustin naman ang itinuturong tumatanggap ng mga investment at may alam umano nito si Supiter.
Nabatid na sinibak si Supiter sa pwesto dahil sa naturang alegasyon, kasama ang dalawa pang opisyal.
Kasalukuyan namang isinailalim ang mga ito sa imbestigasyon dahil sa kaugnayan sa PPM.