-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na walang basehan ang mga sinasabi ng Amnesty International (AI) laban sa Duterte administration partikular ang paratang nitong malala na ang extra-judicial killings sa Pilipinas.

Pahayag ito ng Malacañang sa harap na rin ng panawagan ng nasabing human rights group na dapat imbestigahan na ng United Nations (UN) ang Pilipinas kaugnay sa war on drugs ni Pangulong Duterte.

Lumalabas umanong systemic at utos na ng gobyerno ang pag-atake sa mga mahihirap na Pilipinong sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naman tama ang mga datos na hawak ng AI laban sa Pilipinas para ito paimbestigahan sa UN Human Rights Council.

Ayon pa kay Sec. Panelo, pinupolitika lamang ng AI ang isyu ng sinasabing human rights violations sa Pilipinas at nahusgahan na ng mga ito ang mga nangyayari sa bansa.

Kasabay nito, hinamon ng Malacañang ang AI na magsampa ng kaso kaugnay sa paratang nitong pag-abuso ng mga pulis sa kanilang anti-illegal drugs operations.