CAUAYAN CITY – Tinawag na “kasinungalingan” ng isang mamamahayag mula sa mainland China ang naging paratang nina U.S President Donald Trump at Secretary of State Mike Pompeo na ginawa umano sa Wuhan Institute of Virology sa Wuhan City, China ang coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rhio Zablan, mamamahayag ng China Media Group, sinabi niya na mariing kinondena ng China at ng Wuhan Institute of Virology ang pahayag nina Trump at Pompeo na nilikha ng China ang coronavirus.
Aniya, mismong ang World Health Organization (WHO) na ang naglabas ng opisyal na pahayag na ang COVID-19 ay pinakabagong virus sa mahabang linya ng zoonotics virus na nakukuha sa mga hayop at naililipat lamang sa tao.
Wala pa umanong bansa sa buong mundo ang may kakayahang gumawa ng virus na makakapinsala sa kalusugan ng tao.
Ayon kay Zablan, hindi nakakatulong ang paratang ng Estados Unidos sa China para mapabilis ang pagpuksa sa COVID-19 sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hinihinala namang pulitika ang sanhi ng mga inilalabas na alegasiyon ngayon ng Estados Unidos laban sa China.
Malinaw din aniya na nagkamali at huli na nang gumawa ng mga hakbang ang Estados Unidos laban sa COVID-19.
Batay umano sa kanilang mga nakalap na impormasyon, unang nakapasok ang COVID-19 sa Amerika noong unang linggo pa lamang ng Enero subalit ipinagsawalang bahala ito ng Trump Administration na naging dahilan ng mabilis na pagkalat at pagtaas ng kanilang kaso.
Dahil sa nasabing pagkakamali ay gumawa sila ng isang taktika para malihis at mapunta ang sisi sa Wuhan kung saan sinasabing nagmula ang virus.
Ang Estados Unidos na nangunguna na ngayon sa mga bansang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 ay gumagwa ng mga diversinary tactics upang mabaling ang sisi sa sinasabing pinagmulan at lumikha ng virus.
Giit niya na sa halip na umaksiyon at makipagtulungan sa iba pang mga bansa ay naghuhugas kamay lamang ang Republican party na kinabibilangan ni Trump para makapagpabango at manalo sa napipintong presidential elections.