Balak pulungin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lider ng local government units (LGUs) upang bumalangkas ng pare-parehong ordinansa para sa mga lalabag sa mga COVID-19 protocol.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na nais nitong gawing pare-pareho ang mga parusa sa mga indibidwal na hindi gumagamit ng face mask at hindi pagsunod sa physical distancing.
“Mayroon kaming pagpupulong sa Lunes ng umaga ito ang pag-uusapan natin… Iha-harmonize natin para pare-parehas ang pag-iimplement ng ordinansa,” wika ni Año.
Giit pa ng kalihim, isa sa mga dahilan kung bakit kumakalat lalo ang virus ay dahil sa hindi wastong pagsusuot ng face mask.
Kaya naman, inihayag ni Año na dapat lamang itong isama sa listahan ng mga violation na may kaakibat na parusa.
“Ang mga kababayan natin medyo matitigas pa ang ulo ng iba kaya nahihirapan tayo. Iyon talaga ang pinagmumulan ng transmission,” ani Año.
Batay sa pinakahuling datos, umakyat na sa 65,304 ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa, kung saan nakapagtala ng panibagong 2,357 kaso sa loob ng 24 oras.