BUTUAN CITY – Kumpirmadong apat na ang patay sa madugong car accident alas-10:20 kagabi sa may P-10, Baan Km 3 Crossing, Butuan City.
Ayon kay Police Capt. Emmerson ng Butuan City Police Office, nakakuha siya ng impormasyon na apat na ang patay sa aksidente ngunit hindi pa niya nakuha ang pangalan ng mga ito.
Nasa kritikal pa rin naman na kalagayan si Fr. Roel Griar, 53-anyos.
Napag-alamang galing sa Bayugan City, Agusan del Sur, ang isang Mitsubishi-Adventure na kulay pula na may plate number GDL 768 na minamaneho ng nasabing pari na taga-Purok-3, Ampayon, Butuan City at kasalukuyang parish priest ng St. Ezekiel Parish, Barangay Baan, kasama ang walong iba pa.
Pagdating sa pinangyarihan kung saan pa-kaliwa sana sila, ay biglang binangga ang likurang bahagi ng isang Starex na kulay puti na may plate number KFM 923 na pagmamay-ari ng Nilo Funeral Homes at ang driver ay nakilalang si Rodel Belasco, 40-anyos.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, napinsala ang likuran ng sasakyan at tumilapon ang ibang mga sakay nito.
Una nang nadeklarang dead on arrival ang sakay sa sinalpok na sasakyan na si Tessie Cahapay.
Napag-alamang kasama sa sakay ay sina Isabel Datchille, 20; Nelfa Correos, 51; Johnfel Antong, Marvin Tumambad, Leah Perez at Ralph Amper.