(Update) Bumuhos ngayon ang pagkondena sa Canada sa ginawang pag-atake ng isang suspek at sinaksak ang pari habang nasa kalagitnaan ng misa.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital at nasa stable na ang kondisyon ng 77-anyos na si Father Claude Grou, matapos na magtamo ng minor injury nang saksakin habang ginagawa niya ang morning service sa Montreal, Canada sa St Joseph’s Oratory, isa sa pinakamalaking simbahan doon.
Inilabas na rin ang video sa nangyaring insidente kung saan makikitang isang lalaki na naka-baseball cap at nakaitim ang biglang sumugod sa gitna ng altar.
Umiwas naman ang pari pero ito ay nadapa at sumunod na ang pag-unday nang saksak ng dalawang beses gamit ang kutsilyo.
Matapos ito ay akmang tatakas ang 26-anyos na suspek pero hinarang ito nang mga nagsisimba.
Ang iba namang nasa loob ng simbahan ay nag-panic na rin at nagtakbuhan at nagsisigawan.
Hindi pa ngayon mabatid ang motibo sa pangyayari.
Ayon sa ilang parishoner katatapos lamang daw nilang umawit ng psalm at susunod na sana ang pagbasa nang gospel nang maganap ang insidente.
Ilang mga opisyal ang labis din ang pagkagulat at nagpaabot nang dasal para sa agarang paggaling ni Father Grou.
Maging si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ay tinawag na “horrible attack†ang insidente kasabay nang pagkondena sa suspek.