DAVAO CITY – Hindi na nagbigay ng kanyang pahayag ang isang pari sa lungsod ng Sto. Tomas Davao del Norte na nag-viral matapos na magalit sa mga magulang ng isang bata na kanyang bininyagan.
Una nito, umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa mga netizens ang ginawa ng nasabing pari na nakilalang si Rev. Fr. Ben Cañete – kura paroko ng Nuestra Seniora dela Candelaria Parish sa Brgy Mimamon, Sto Tomas Davao del Norte.
Ngunit sa isang text message, sinabi ni Fr. Cañete na ang nasabing pangyayari ay pagsasailalim lamang sa tamang proseso base sa diocesan curia.
Humingi ito ng tawad sa mga katoliko na nakakita sa nasabing video.
Nanawagan rin ito sa mga tao na pagtibayin pa ang paniniwala sa diyos at parating magdasal.
Kung maalala, nag-viral ang video na kuha ni May flor Concon Decano kung saan sa kasagsagan ng binyag, nagalit si Fr Cañete sa mga magulang dahil maling posisyon ng bata.
Dahil dito, tinuruan ni Fr. Cañete ang ama ngunit mahigpit umano ang pagkakahawak nito sa ulo ng bata dahilan na umiyak ito.
Samantalang hindi na rin nagbigay pa ng pahayag ang Archdiocese ng Tagum.