-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi umano maintindihan ng isang pari ng Iglesia Filipina Independiente na nakabase sa Surong Valley sa bayan ng Vintar, Ilocos Norte kung bakit inaakusahan siyang supporter ng rebeldeng grupo na New Peoples Army (NPA).

Iginiit ni ni Father Arvin Mangrubang na ang trabaho lamang niya bilang isang pari ay mangpahayag ng ebanghelyo ni HesuKristo.

Kinumpirma rin ng pari sa Bombo Radyo na may natanggap siyang impormasyon na mino-monitor siya ng militar dahil sa naturang akusasyon.

Sinabi rin umano sa kanya ng kanyang mga kakilala na base sa akusasyon ay nagre-recruit rin siya ng mga magiging miyembro ng rebeldeng grupo.

Dahil dito, kinuwestiyon niya ang akusasyon kasabay ng pagsabing hindi pa siya nakakakita kung ano ang hitsura ng isang NPA member.

Naniniwala rin umano si Fr. Mangrubang na ito ang epekto sa kanila ng Anti-terror Law at ito rin sisira sa karapatan ng tulad nitong nagpapahayag lamang ng katotohanan sa mga nangyayari sa mga tao.

Una rito, nakatanggap rin ng Bombo Radyo Laoag ng impormasyon hinggil sa naturang akusasyon ngunit sa pagbeberipika sa Provincial Mobile Force Company ay kasalukayan pa nila itong bina-validate.