ILOILO CITY – Eksklusibong ipinaliwanag ng isang Catholic priest sa Bombo Radyo ang sermon nito noong First Sunday of Lent kung saan isiniwalat ang nangyaring bikini open event sa dalawang barangay sa Zarraga, Iloilo kasabay ng kanilang fiesta celebration.
Sa halos tatlong minuto sa sermon ni Father Rogelio Palmos Jr., administrator ng Saint Isidore the Farmer Parish, inihayag nito ang disappointment sa naturang event na napanood pa umano ng mga kabataan.
Sinabi rin nito na walang magaganap na Eucharistic celebration sa fiesta kung ipagpatuloy pa ang bikini open event kung saan pinapalakpakan at pinupuri ang mga babaeng halos hubo’t hubad.
Ang dalawang barangay sa Zarraga na nagdiwang ng kanilang fiesta noong nakaraang linggo ay ang Barangay Gines at Barangay Tuburan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Palmos, sinabi nitong responsibilidad niya bilang isang modern-day prophet na magsalita at paalalahanan ang mga tao sa tuwing magkakamali o sa tuwing lumalayo na sa tipan ng Diyos.
Nanawagan rin ito sa women’s right advocates na suportahan ang crusade ng simbahan laban sa ganitong uri ng mga event.
Pinasalamatan rin ng parish administrator ang commitment ng local government unit na hindi na papahintulutan ang anumang bikini open events sa mga fiesta sa naturang bayan.