BACOLOD CITY – Kahit ilang oras pa ang biyahe mula sa kanyang parokya, hindi nagpahuli ang isang pari sa Negros Occidental at kabilang din ito sa mga donor ng dugo kasabay ng Dugong Bombo sa lungsod ng Bacolod.
Mahigit dalawang oras pa ang ibinyahe ni Fr. Rembert Rivera mula sa Kabankalan City dahil madaling-araw pa lang ay umalis na ito sa simbahan upang lumuwas ng Bacolod sakay sa bus.
Dahil dito, pasado alas-6:00 pa lang ng umaga ay nasa venue na si Fr. Rivera.
Ito na ang pang-apat na pagkakataon na nakibahagi ang pari sa Dugong Bombo.
Si Rivera ay masugid na tagapakinig ng Bombo Radyo Bacolod at sa katunayan ay nagdo-donate ito ng snacks kung may aktibidad ang himpilan. Kanina, bitbit pa ng pari ang dalawang tray ng nilagang itlog.
Samantala, maaga ring pumunta sa venue si Mayor Santiago Miravalles ng Valladolid, Negros Occidental para mag-donate ng dugo.
Ito na rin ang pang-apat na pakikibahagi ng alkalde sa Dugong Bombo.
Aniya, panata na nito ang pagpapakuha ng dugo bawat buwan ng Nobyembre.
Kabilang din sa mga nag-donate ay ang ilang hepe ng pulis sa Negros Occidental.
Ayon kay Police Capt. Wilfredo Benoman, hepe ng EB Magalona Municipal Police Station, kasama ang kanyang mga tauhan, kaagad silang tumugon sa panawagan ukol sa blood donation upang makatulong sa mga nangangailangan.
Sa kabuuan, umabot sa 403 ang successful blood donors na natipon ng Bombo Radyo Bacolod ngayong Nobyembre 16.