-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagbukas na ang lahat ng mga business establishments gayundin ang ilang mga tourist spots sa Paris, France matapos ang ilang buwang pagsasara dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Mylene Gonzales, OFW sa Paris, France, sinabi niya na sa ngayon ay abala na ang mga kalye sa naturang bansa, bukas na ang restaurants, museum, shops at pinayagan na ring pumasok ang mga turista.

Bukod dito ay magbabalik na rin sa normal ang klase ng mga estudyante.

Ayon kay Gng. Gonzales, nagbukas na rin ang mga boarders at naka-green zone na rin ang Paris na dinarayo ng mga turista.

Dagdag pa nito na maari na ring umakyat sa Eiffel tower.

Gayunman ay hindi na aniya nasusunod ang social distancing subalit mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paglabas na walang suot na facemask dahil kung hindi ay magmumulta ng isang daang tatlumpu’t limang euro.

Bukod dito ay mahigpit ding ipinapatupad ang mga protocols gaya ng paglalagay ng hand sanitizer sa bawat shop gayundin sa mga pampublikong sasakyan at wala munang beso-beso.

Sinabi pa ni Gng. Gonzales na may mga namamatay pa rin dahil sa COVID-19 subalit sila ay ang mga dati ng may virus habang wala na ring tinatamaang bago.