ILOILO CITY – Labis ang pasasalamat ng alkalde ng Paris, France matapos ang pagbuhos ng maraming tulong matapos ang nangyaring sunog sa Notre Dame Cathedral.
Kabilang sa mga nangakong magbibigay ng tulong para sa restoration ng cathedral ay ang chairman at chief executive officer ng Louis Vitton na si Bernard Arnault at Francois-Henri Pinault, chairman at chief executive officer ng Gucci.
Si Arnault ay magbibigay ng $225.9-milyon at magbibigay rin si Pinault ng $112.8-milyon.
Ayon kay Bombo International Correspondent Dennis Mana-ay, tubong Anilao, Iloilo at presidente ng Hiligaynon Community sa Paris France, sinabi nito na kaagad nagsagawa ng pagpupulong si Mayor Anne Hidalgo, matapos ang nangyaring sunog sa simbahan na sumisimbolo sa Kristyanismo ng France.
Sinabi ni Mana-ay, mahigpit na ipinagbabawal ang paglapit sa simbahan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Aniya, ang mga pinapayagan lang na pumasok sa lugar ay ang mga vendors at ang mga residente sa lugar.
Masuwerte naman ayon kay Mana-ay na walang nasugatan o namatay sa nasabing sunog.