Naghahanda na si Filipino Olympic Bantamweight boxer Aira Villegas para sa magiging laban mamayang madaling araw (Aug 2 – Oras sa Pilipinas).
Si Villegas ay sasabak sa quarterfinals ng women’s 50kg boxing sa nagpapatuloy na Paris Olympics.
Makakalaban niya ang batikang Algerian boxer na si Roumaysa Boualam at nakatakda ang laban ng dalawa mamayang alas-2:16 ng madaling araw (August 2) oras sa Pilipinas.
Si Villegas ang pinakaunang Pinoy boxer na lumaban sa Paris Olympics at nagawa niyang talunin si Yasmine Mouttaki ng Morocco, daan upang umusad siya sa quarterfinals.
Gayunpaman, makakaharap niya sa quarterfinals ang No.2 seed sa naturang event na dati nang nagbulsa ng mga gold medals sa iba’t-ibang international boxing competition.
Si Boualam din ay ang pinakaunang female boxer ng Algeria na nakapasok sa Olympics, una ay noong Tokyo Games.
Nagbulsa na siya ng gintong medalya sa African Championships, African Games, Mediterranean Games, at Arab Games sa mga nakalipas na tatlong taon.
Ang magiging laban ni Villegas ay ang nag-iisang laban ng Team Philippines sa day No. 6 ng Paris Olympics.