Sinimulan na ng France ang pag-lockdown sa malaking bahagi ng Central Paris, kasabay ng sunod-sunod na pagdating ng mga atletang sasabak sa nalalapit na Olympics.
Ngayong araw (July 18) ay isinara na ang ilang mga lansangan na komokonekta sa ilang bahagi ng siyudad na maaaring maka-antala sa tuluy-tuloy na paghahanda ng mga organizer. Binabantayan ng security forces ang mga naturang lugar.
Isa sa mga tinututukan ng mga organizer ay ang Seine River sa Central Paris kung saan dito nakatakdang isagawa ang opening ceremony.
Kaakibat nito ay ang pagsasara sa trapiko sa mga kalsadang nasa tabi ng sikat na ilog.
Ang mga residente at mga turista na nagnanais makapasok rito ay kakailanganing makakuha muna ng security pass na may nakalagay na QR code.
Ang ginagawang lockdown ay susundan pa umano ng mas mahigpit na security protocols sa mga susunod na araw habang nalalapit ang opisyal na pagbubukas ng pinakamalaking turneyo sa buong mundo.
Inaasahang mula July 26 hanggang August 11 ay bibisita sa Paris ang hanggang 11 million na katao upang tunghayan ang Olympics.
Kasabay nito ay nakatakdang ideploy ang hanggang 45,000 na miyembro ng security forces mula sa France. Ang mga ito ay binubuo ng mga pulis, mga sundalo, at private security agents.