Patuloy pa rin ang pagtaas ng halaga ng mga premyo at insentibong matatangagap ni Pinoy gold medalist Carlos Yulo kasabay ng pagbuhos pa ng mga pledge mula sa government agencies, officials, at mga pribadong kumpanya.
Kinabibilangan ito ng isang fully-furnished condo na nagkakahalaga ng P32 million kasama ang P3 million cash mula sa isang real estate company.
Tatanggap din ang gold medalist ng P20 million na cash insentive para sa kanyang dalawang gintong medalya, isang house and lot mula sa Philippine Olympic Committee, P6 million mula sa Kamara de Representantes, at iba pang hindi pa natukoy na pledge.
Mula sa mga pribadong kumpanya, mayroon nang pitong lifetime free food at buffet na alok para kay Yulo, lifetime supply ng cookies, lifetime free engineering design, at lifetime gastro at colonoscopy consultation.
Nag-alok din ang iba pang kumpanya ng mga sumusunod: P1 million halaga ng mga retail products, P1 million halaga ng mga furniture, at P10 million na brand ambassadorship para sa limang taong kontrata kasama ang isang pribadong kumpanya.
Dalawang malalaking food chain franchise din ang nag-alok kay Yulo ng 2 libreng franchise, habang P2 million vacation package ang alok din ng isang tourist vlogger.
Kasama rin sa mga alok ng iba’t-ibang mga kumpanya ay ang unlimited airfare/flights, unlimited gasoline, at libreng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan, nangako na rin ang iba pang mga malalaking brand sa bansa na magbibigay ng iba pang insentibo ngunit hindi pa inilalabas kung anong mga insentibo ang mga ito.
Sa panig ng mga mambabatas, ilang Senador na rin ang nangako ng milyun-milyong reward sa bagong gold medalist kabilang na sina Sen. Bong Go, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Risa Hontiveros.
Una na ring nangako ang lokal na pamahalaan ng Manila ng hero’s welcome at cash incentive pagbalik ng golden boy dito sa Pilipnas.