-- Advertisements --

Muling ipinakita ng Team USA ang offensive firepower nito, matapos tambakan ang Team Serbia ng 26 big points sa nagpapatuloy na exhibition games bago ang Paris Olympics.

Pinangunahan ni Warriors superstar Stephen Curry ang Team USA at kumamada ng 24 points, habang 17 points naman ang naging kontribusyon ni Miami Heat bigman Bam Adebayo.

Nasayang naman ang 16 points 11 rebound double-double performance ni Nuggets bigman at Team Serbia Center Nikola Jokic. Sa naturang laban ay pinagpahinga muna ng Serbia ang team captain na si Bogdan Bogdanovic.

Naging mahigpit ang laban ng dalawa hanggang sa pagtatapos ng first half ngunit pagpasok ng 3rd quarter ay nagbuhos na ang Team USA ng sunod-sunod na puntos. Natapos ang ikatlong quarter na lamang ang US ng 25 points.

Ito na ang pangatlong exhibition game ng Team USA at napanatili nito ang malinis na record.

Samantala, nananatiling hindi naglalaro si NBA Champion Kevin Durant habang nagpapatuloy ang kanyang pagpapagaling mula sa nananakit na binti.

Nakapaglaro na rin si Boston guard Derrick White, kasunod ng pagpalit niya kay Kawhi Leonard.

Muling maglalaban ang Serbia at US sa game proper ng Olympics. Nakahanay ang dalawa sa Group C at maghaharap sa Hulyo-28.