-- Advertisements --

Nagpaliwanag si Bobby Ray Parks Jr. sa rason kung bakit hindi nito tinanggap ang imbitasyon sa kanya na maglaro para sa Gilas Pilipinas.

Nitong Huwebes nang sabihin ni Gilas head coach Yeng Guiao na tinanggihan ni Parks ang offer na maging bahagi ng national pool.

Sa isang tweet thread, nilinaw ni Parks na nirerespeto niya ang effort ng lahat ng mga players na nagtulong-tulong upang dalhin ang Pilipinas sa 2019 Fiba World Cup.

Aniya, ito raw ang rason kaya hindi niya kinagat ang alok.

“I didn’t decline due to different priorities smh. Hiya oo, pero priority hindi,” saad ni Parks.

“Nahihiya din ako sa mga players na naglaro during the qualifiers and nagpakahirap to get our spot at the World Cup. Sino ba namang proud na Pinoy na hindi mahihiya kasi each player who played are deserving of a spot. Rinerespeto ko sila at yung pinaghirapan nila.”

Ayon pa sa No. 2 overall pick sa 2018 PBA Rookie Draft, nakatuon ang kanyang pokus ngayon sa Blackwater dahil sa nais nitong suklian ang mga sakripisyong ginawa ng kanyang team sa unang taon nito sa liga.

“First conference ko pa lang sa PBA at pinayagan na ako ng Blackwater tapusin ang ABL stint ko kaya sobrang thankful ako. Tapos ngayon na wala kaming import, tapos mawawala ako? Nahihiya lang din ako sa Blackwater,” ani Parks.

Mali din aniyang isipin na ayaw nitong ikatawan ang bansa sa mga kompetisyon.

“For people to actually believe that I don’t want to represent my country is crazy,” wika nito. “Kaya nga ako naglaro sa Alab and went abroad carrying the Philippine flag anywhere and everywhere I go.”