-- Advertisements --

Hindi umano tatanggalin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Lt. Gen. Antonio Parlade bilang kanilang tagapagsalita.

Ito’y kahit inirekomenda ng Senado na tanggalin si Parlade bilang spokesperson ng NTF-ELCAC dahil paglabag daw sa Saligang Batas ang appointment sa kanya sa nasabing puwesto.

Ayon sa isa pang spokesperson ng NTF-ELCAC na si Lorraine Badoy, hindi raw isang civilian task force ang kanilang organisasyon.

Nanindigan din si Badoy na malaki ang naiambag ni Parlade sa pagsupil sa komunismo sa bansa.

Kung maaalala, umani ng batikos si Parlade dahil sa ginawa nitong red-tagging sa ilang mga indibidwal at grupo, kasama na ang ilang celebrities tulad nina Angel Locsin, Liza Soberano, at Catriona Gray.

Binanatan din ni Badoy ang naging payo ng Senate Committee on National Defense na hindi raw dapat gumawa ng mga walang basehang akusasyon ang security forces sa iba’t ibang mga komunistang grupo.