KALIBO, Aklan – Handa na umano ang simbahan sa isla ng Boracay sa paggunita ng Semana Santa na magsisimula sa Linggo ng Palaspas.
Sa Biyernes Santo, Abril 19, tatanghalin sa white beach ng isla ang Senakulo o ang pagpapakita ng mahahalagang yugto sa buhay ni Hesukristo tulad ng mga huling yugto ng kanyang buhay, pagpapakasakit at paano siya namatay mula sa Barangay Manocmanoc hanggang sa Barangay Balabag.
Halos 51,000 na turista ang inaasahang pupunta sa Boracay ngayong Holy Week.
Nauna nang sinabi sa Bombo Radyo ni P/Cpl. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, nakalatag na ang planong pangseguridad sa isla dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga bakasyunista.
Pinapaalalahanan rin nito ang mga turista na sumunod sa mga alintuntunin upang makaiwas sa multa.