-- Advertisements --

Naglabas ng opisyal na pahayag ang St. Francis of Assisi Parish Cainta Rizal kaugnay sa kumakalat na video online ng isang Pari at nagtitinda ng palaspas sa loob ng bakuran ng Simbahan kahapon, Linggo ng Palaspas, Abril 13.

Sa kumalat kasing video, makikita ang pagpapaalis ng pari sa nagtitinda ng palaspas sa bakuran ng Simbahan.

Subalit nilinaw ng Simbahan na hindi buo ang inilabas na video at may kinikilingang pananaw. Hindi din aniya ipinapakita ang mga nangyari bago ang nakuhang video.

Pinagsabihan na rin aniya ang mga nagtitinda umaga pa lamang na hindi pinahihintulutan ang pagbebenta sa loob ng bakuran ng Simbahan bilang paggalang sa kabanalan ng lugar at alinsunod sa patakaran ng parokya.

Sa kabila nito, nagkaroon ng pagtatalo kung saan pinagsabihan ang pari ng hindi kanais-nais na salita, bagay na hindi naipakita sa kumalat na video.

Kaugnay nito, humiling ng tulong ang parokya sa kapulisan upang maayos at mapayapang matugunan ang sitwasyon.

Humingi din ang parokya ng paumanhin sa mga mananampalatayang nasaktan, nalito at nabigla sa nilalaman ng video na nangyari sa mahalagang araw pa ng Linggo ng Palaspas.

Umapela din ang parokya sa publiko na huwag agad humusga base lamang sa putol na kuhang video.

Nanawagan din ito sa publiko na huwag ng ibahagi ang video sapagkat hindi nito ipinapakita ang buong nangyari. Sa halip gamitin ang pagkakataong ito upang manalangin, maghilom at manumbalik ang kapayapaan sa komunidad.