KORONADAL CITY – Mistulang malaking sampal para sa pamilya ni Jeanelyn Villavende ang naging resulta ng pagpupulong ng Philippine delegates sa pangunguna nina Labor Sec. Silvestre Bello III at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac sa bansang Kuwait.
Ito ang naging reaksyon ng tiyahin ni Jeanelyn na si Nelly Padernal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal matapos malamang ipinairal ang partial lifting ng deployment ban sa naturang bansa.
Maliban dito, inihayag ni Padernal na hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila sina Bello o Cacdac kaugnay sa updates sa kaso ng kanilang kaanak.
Katulad sa ibang mga OFWs, dismayado rin sila dahil parang kinain lamang umano ng Pilipinas ang kanilang promisa na makamit ang hustisya para kay Villavende.
Ayon kay Padernal, tiyak nang pinagtatawanan lamang sila ng Kuwait dahil hindi pinaninindigan ng Philippine delegate ang pangako sa kanila.
Kaya hamon nito sa pamahalaan na huwag ulit-ulitin ang pagbabawi sa ban dahil kinukutya lamang umano tayo ng Kuwait.
Nananatili rin ang kanilang posisyon na hindi sila tatanggap ng anumang halaga ng blood money dahil mas uhaw sila sa pagkamit ng hustisya sa sinapit ni Jeanelyn.