Sinupurtahan ng Partido Demokratiko Pilipino ang naging pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang PDP ay ang partido na dating pinamumunuan ni ex-president Rodrigo Duterte ngunit hindi naging miyembro rito si VP Sara.
Batay sa statement na inilabas ng PDP, kaisa umano ng grupo ang pangalawang pangulo sa kanyang naging aksyon na nagpapakita ng mga kalidad na pinaninidigan nito: maka-diyos, maka-bayan, at ang paglaban para sa interes at kapakanan ng bawat Pilipino.
Maalalang ang PDP ay ang isang paksyon na kumalas sa PDP Laban bago ang mainit na presidential elections noong 2022. Dating miyembro ng PDP-Laban sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III at dating Presidente Duterte.
Gayonpaman, bago ang 2022 presidential elections ay nahati sa dalawa naturang grupo.
Ang lumang PDP Laban ay naiwan sa kamay nina Senator Pimentel at dating presidential candidate Manny Pacquiao, habang ang iba pang grupo ay binubuo nina ex-PRRD at dating Energy Sec. Alfonso Cusi.
Kinalaunan ay tinanggal na rin ng grupo nina dating PRRD ang katagang Laban at naging PDP. Sa kasalukuyan ay mayroong apat na senador na bahagi ng PDP: Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senator Ronald dela Rosa, Bong Go at Robinhood Padilla.
Noong Hunyo 19, 2024 nang tuluyang binitawan ni VP Sara ang kanilang posisyon bilang kalihim ng DepEd at V-Chair ng NTF-ELCAC.