Nagpahayag ng buong suporta at kumpiyansa kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI), na binubuo ng iba’t ibang party-list organization sa Kamara de Representantes.
Sa isang resolusyon, kinilala ng koalisyon na pinamumunuan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ang chairman ng House appropriations committee, ang malapit na kolaborasyon ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Senado sa pag-apruba ng mga pangunahing panukala, at ang naabot na tagumpay sa pagpasa mga panukala ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa koalisyon, napanatili ng Kamara ang matibay na relasyon nito sa Senado at Executive Branch upang matiyak na agad na maipapasa ang mga panukala na prayoridad na maisabatas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang mapaganda ang pagseserbisyo ng gobyerno sa publiko.
Sinabi ng grupo na ang Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay nakapagtala ng bagong rekord ngayong 19th Congress.
Umabot sa 13,454 panukala ang naihain, 1,368 sa mga ito ang naaprubahan, at 166 ang naging Republic Act— 73 ang nasyunal na batas at 93 ang lokal na batas. Ito umano ay nagtataas sa pamantayan ng pagiging produktibo ng Kamara sa pagseserbisyo sa publiko.
Ayon pa sa koalisyon, ang kapulungan ay nagpakita ng natatanging pagkakaisa sa pagproseso ng average na 12 panukala kada sesyon sa loob ng 178 session days, na repleksyon umano ng sama-samang pagnanais na matugunan ang pangangailangan at mithiin ng mga Pilipino.
Kinilala rin ng Party-list Coalition ang mga imbestigasyong isinagawa ng Kamara na isang pagganap sa kanilang oversight power.
Binuo umano ng Kamara ang Quad Comm upang silipin ang kaugnayan ng mga Philippine offshore gaming operations, extrajudicial killings, kalakalan ng iligal na droga, at Chinese syndicates, na pagpapakita ng pagnanais ng Mababang Kapulungan na mapangalagaan ang karapatang pantao at pangingibabaw ng batas.
Ayon pa sa koalisyon, ang kanilang mga miyembro ay saksi at aktibang kasama ni Speaker Romualdez sa pagtupad sa adhikain nito.
Sinabi ng grupo na suportado nito si Speaker Romualdez, ang Senado, at ang Office of the President sa pagpapatuloy ng mga hakbang patungo sa legislative excellence at pag-unlad ng bansa.