Dumistansya ang dalawang miyembro ng party-list coalition sa Kamara sa naging pasya ng Commission on Elections (COMELEC) sa kapalaran ni Ronald Cardema bilang nominee ng Duterte Youth party-list.
Ayon kina Kabayan Rep. Ron Salo and Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Rep. Raymond Mendoza, tanggap pa rin naman nila ang Duterte Youth bilang miyembro ng Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI), pero ang poll body na ang siyang may hurisdiksyon para magsabi kung sino ang karapat-dapat na nominee ng naturang party-list.
Sinabi ni Mendoza na ang kikilalanin ng Kamara bilang kinatawan ng Duterte Youth ay ang siyang nabigyan ng certificate of proclamation and acceptance mula sa COMELEC.
Nauna nang sinabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa naibibigay ang certificate of proclation sa Duterte Youth kasunod ng pagkakadiskwalipika kay Cardema, na dating National Youth Commission chair.
Samantala, ikinatuwa ni Kabataan party-list Rep. Sara Elago ang nasabing COMELEC disqualification.
Iginiit ni Elago na hindi naman kasi talaga mga kabataan sa bansa ang kinakatawan ng Duterte Youth party-list, kundi pansariling interes lamang.
Kung titingnan, sinubukan pa nga raw ng Duterte Youth na baluktutin ang Party-List Law and the Omnibus Election Code matuloy lang ang pagkakaupo ni Cardema, 34, sa Kongreso.
Nag-ugat ang desisyon ng COMELEC sa petisyon ng dalawang grupo na nagsabing tinangka ni Cardema na lumabag sa batas nang ideklara nito sa kanyang Certificate of Acceptance and Nomination na siya ay eligible para maging nominee ng Duterte Youth kahit pa ang age qualification sa youth sector ay 25 hanggang 30-anyos lang.