-- Advertisements --
Screenshot 2019 05 23 07 44 53
IMAGE | Comelec as National Board of Canvassers at PICC, Pasay City

Bukas umano ang Commission on Elections (Comelec) sa posibilidad na amiyendahan ang party-list system sa bansa kasunod ng mga pag-kwestyon sa integridad ng mga partidong tumakbo at nahalal sa mga nakalipas na halalan.

Ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas target nilang mag-lobby sa mga kongresista kaugnay ng panukala.

Gayunpaman, aminado ang opisyal na sa ngayon ay limitado lamang ang poll body sa requirements na hinihingi ng Saligang Batas sa pag-apruba ng mga naghahain ng certificate of nomination.

“Hinahayaan na namin ang tao kung pano nila kilatisin yung party-lists. Totoo naman na even before pa may mga question na. Kasi nga hindi na siya marginalized. It doesn’t represent marginalized sector na. Ang sumali diyan mga bilyonaryo na.”

“But as far as Comelec is concern, ang concern namin is more on the registration, accreditation and proclamation. Doon lang yung limit namin sa party-lists system, pero binabalik namin mag-lobby na baka pwedeng ayusin ng Congress ‘yan.”

Nitong Miyerkules nang iproklama ng Comelec ang 51 party-lists na bubuo sa kapulungan ng Kamara sa 18th Congress.

Nanguna ang ACT-CIS na nakakuha ng tatlong pwesto, na siyang uupuan ng asawa ng broadcaster na si Raffy Tulfo na si Jocelyn Tulfo, negosyanteng si Eric Yap at broadcaster na si Niña Taduran.

Tatlong pwesto rin ang na-secure ng re-electionist na Bayan Muna.

Tigda-dalawang seats naman ang nasungkit ng Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsyano, 1-Pacman, Marino at Probinsyano Ako na hawak naman ng anak ni dating House majority leader Rudy Fariñas.

Habang tig-isang pwesto ang nakuha ng natitirang 43 party-lists kabilang na ang mga re-electionists na Gabriela, ACT Teachers, Magdalo, Buhay, COOP-Natco, Senior Citizens, Abono, Bagong Henerasyon, Sagip, AAMBIS-OWA, Diwa, AMIN, AGAP, LPGMA, Kusug Tausug, Kabayan at Kabataan.

Nakalusot din ang mga bagong partido gaya ng Magsasaka, APEC, An Waray, Philreca, Ako Bisaya, Tingog Sinirangan, Kalinga, Alona, Recoboda, Bahay, CWS, Abang Lingkod, A Teacher, BHW, TUCP, GP, Manila Teachers’, RAM, Ako Padayon, Kusug Tausug, Dumper PTDA, TGP, at Patrol.

Pasok din ang OFW Family Club Party-list ng kapatid ni Sen. Manny Pacquiao na si Bobby Pacquaio at kontrobersyal na Duterte Youth.

Gayundin ang PBA Party-list ni re-elect Cong. Jericho Nograles na mula sa Nograles clan ng Davao, at Anakalusugan ni dating Quezon City Cong. Mike Defensor.