VIGAN CITY – Hiniling ng isang partylist congressman kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na huwag umano nitong lahatin o i-generalize ang lahat ng mga partylist groups hinggil sa isyu ng “for sale” partylist group seat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na magkakaiba umano ang mga partylist groups dahil hindi naman pare-pareho ang mga itinataguyod nilang adbokasiya.
Naniniwala si Defensor na ang isyu pa rin sa Duterte Youth Partylist ang rason kung bakit nasabi ni Guanzon ang nasabing bagay kaya hiniling nito na kung maaari ay huwag idamay ng opisyal ang Comelec ang lahat ng partylist groups sa isyu nito sa Duterte Youth.
Tiniyak nito na hindi umano nila ginagawa ang last minute na pagpapalit ng nominee kagaya ng ginawa noon ng Duterte Youth kung saan nagsimula ang isyu sa pagitan ng nasabing Comelec commissioner at ni dating National Youth Commission (NYC) chairperson Ronald Cardema.