-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan sa lalong nakapipinsalang epekto ng tumatandang populasyon ng mangingisda sa Pilipinas sa food security ng bansa.

Iminungkahi naman ni Yamsuan na magbukas ang gobyerno ng mas maraming scholarship sa mga kabataang mag-aaral upang maakit sila na kumuha ng karera sa aquaculture at pangisdaan.

Dagdag pa ni Yamsuan, dapat paigtingin din ng gobyerno ang pagpapatupad ng post-harvest at marketing programs nito para sa sektor upang gawing mas kaakit-akit at kumikita ang pangingisda at mga kaugnay nitong aktibidad para sa mga kabataang Pilipino.

Si Yamsuan ang bagong itinalagang chairperson ng House Committee on Aquaculture and Fisheries.

Sa unang pagdinig na pinangunahan ni Yamsuan bilang chairperson ng Komite, iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sa 2.5 milyong Pilipinong umaasa sa mga karagatan ng bansa at mga anyong tubig sa lupain para sa kanilang kabuhayan, humigit-kumulang 24%, o 600,000 ay higit sa 60 taong gulang, habang ang isa pang 21%, o humigit-kumulang 525,000 ay nasa edad 51 hanggang 60.

Ayon kay Yamsuan, ibig sabihin halos kalahati o nasa 1.1 million ay mga matatanda na nasa 8% o nasa 200,000 ang mga batang mangingisda na may edad 21-30-anyos habang ang iba ay nasa 31 hanggang 40 years old.

Sumangguni naman si Yamsuan sa kapwa mambabatas na si Batangas Rep. Eric Buhain at ABONO Rep. Robert Raymund Estrella na panahon na pata ipatupad ng BFAR ang post-harvest programs para sa fisheries sector.