Kinumpirma ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat na isa siya sa mga kongresistang tatanggap ng P100-million allocation sa ilalim ng 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Cabatbat na humingi siya ng pondo para sa farm-to-market roads, water impoundment projects at irrigation projects sa Nueva Ecija, Pangasinan, Negros Oriental at Isabela.
Ayon kay Cabatbat, P300 million hanggang P400 million ang kabuuang halaga ng mga proyekto na kanyang hinihingi.
Subalit, ang napasama pa lamang aniya sa unang bersyon ng General Appropriations Bill na kasalukuyang tinatalakay ng Kamara ay P50 million halaga ng mga proyekto sa kanyang mga hinihingi.
“Lahat po ng mga ‘yan umaasa tayo na mapagbibigyan, although they’re not keeping our hopes up,” ani Cabatbat.
Hindi aniya ito maituturing bilang pork barrel, na nauna nang idineklara ng Korte Suprema bilang unconstitutional, sapagkat naka line-items ang mga ito.
Nauna nang sinabi ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda na tatanggap silang mga kongresista ng P100-milyong halaga ng hard at soft projects sa ilalim ng 2020 proposed budget.