-- Advertisements --

LA UNION – Pinagaan ng hukuman mga parusa laban sa tatlong overseases Filipino workers na sangkot sa pagnanakaw ng HK$14.6 million o katumbas ng mahigit P90 million na halaga ng mga alahas at gold bars mula sa kilalang bilyonaryo sa Hong Kong (HK).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Catherine Nieveras na ngayon ay nasa Hong Kong, sinabi nito na nakahinga ito ng maluwag matapos ilabas ng hukuman ang hatol laban sa kanyang kapatid at sa dalawa pang akusado kaninang umaga.

Ayon kay Catherine, nagpapasalamat ito dahil sa pagiging mabait ng hukom na nagbigay ng konsiderasyon sa tatlo lalo na sa pangunahing akusado na si Carmelita Nones.

Makukulong sana aniya ng walong taon si Carmelita, ngunit binigyan ito ng huwes ng 38 percent na discount o bawas sa parusa kaya naging apat na taon at 11 buwan na lamang na pagkakakulong ang kanyang parusa.

Pero dahil sa napagsilbihan na ni Carmelita ang ilang bahagi ng panahon ng pagkakakulong ay mananatili na lamang ito sa bilangguan ng 15 buwan.

Ang dalawang akusado naman na sina Cristina Alagna at Maricris Nones ay nabigyan naman ng 40 percent na bawas mula sa kanilang parusa na isang taon at apat na buwan na pagkakakulong.

Over served na ang pagkakakulong ayon kay Catherine, sa kanyang ate Cristina at ni Maricris dahil 10 buwan lamang sana sila na mananatili sa bilangguan matapos pagaanin ng korte ang kanilang hatol.

Inaasahan aniya na makakauwi na sa kanilang tahanan sa bayan ng Luna, La Union sina Cristina at Maricris sa buwan ng Nobyembre o Disyembre.

Una rito, inamin at inako umano ni Carmelita ang responsabilidad sa pagnanakaw ng mga naturang alahas at ginto mula sa kanyang amo, at nasangkot lamang na walang kamalay-malay sina Cristina at Maricris.