-- Advertisements --

Nagsasagawa na raw ang Bureau of Customs (BoC) ng imbestigasyon kaugnay ng ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na mayroon pa ring “tara” system at may mga tauhan pa rin ang Customs na sangkot sa pagpapalusot ng mga iligal na droga.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin daw ang BoC sa tanggapan ni Sen. Lacson kaugnay ng nasabing isyu.

Samantala, mistulang hugas kamay din ang BoC sa paglusot ng droga sa Adwana.

Sa official statement ng BoC, trabaho na umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon laban sa iligal na droga at hindi ang Customs ang lead agency dito.

Ayon sa BoC, mayroon naman silang maayos na koordinasyon sa PDEA para masawata ang pagpasok ng droga sa bansa at maaresto ang mga taong sangkot dito.

Nilinaw din ng Customs na ang na-auction noong buwan ng Abril sa Manila International Container Port (MICP) ay mga Tapioca starch na galing sa storage roots ng cassava plant o kamoteng kahoy at hindi Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala sa pangalang shabu.