-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Masuwerteng nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan ang isang lalake na pasahero ng Starlite Ferries na tumalon sa karagatang bahagi ng Mindoro dakong alas-5:00 ng hapon ng Sabado, Abril 8, 2023.

Kinilala ni Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino ng PCG-Aklan, ang pasahero na si Rosario Java Penaso, 55-anyos at residente ng Quezon City.

Sinasabing bigla itong tumalon mula sa barko at sa kabutihang palad ay napansin ng mga tripulante kaya’t kaagad na nakipag-ugnayan sa PCG-Aklan para sa rescue operation.

Ilang oras din umano ang ginagawang paghahanap hanggang sa namataan itong palutang-lutang sa dagat.

Ang barko ay mula sa Batangas port at patungong Caticlan jetty port.

Nasa kustodiya ngayon ng MSWDO-Malay ang pasahero para sa atensyong medikal at evaluation.

Wala umanong kasama si Penaso sa kanyang pagbiyahe at pauwi sana sa Cagayan de Oro. Hindi rin ito makausap ng maayos dahil paiba-iba ang kanyang mga pahayag.

Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng lalaki kung bakit ito tumalon sa barko.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Sa kabilang daku, sinabi ni Salvino na nananatiling naka-heightened alert ang kanilang tanggapan sa pagbuhos ng mga biyahero pauwi sa kani-kanilang probinsiya matapos ang mahaba-habang bakasyon sa Semana Santa.

Patuloy umanong naka deploy ang kanilang augmentation sa Caticlan jetty port bilang priority port sa long weekend.