(Update) BACOLOD CITY – Inamin ng taxi driver na pinigilan pa nito ang 19-anyos na lalaki na nagbaril sa kanyang sarili sa Circumferential Road, Barangay Bata, Bacolod City kahapon ng hapon.
Ayon sa driver na si Ramilo Medina, sumakay ang biktima na si alyas JetJet sa Ayala Malls sa Gatuslao Street at nagpahatid sa Bacolod Silay Airport.
Habang tumatakbo ang taxi, sinabi raw ng biktima na may malaki itong problema ngunit hindi naman sumagot nang tinanong ng driver kung ano ang kanyang dinadamdam.
Sinabi pa ni Medina, biglang bumunot ng .45 caliber pistol ang biktima at nagtangkang barilin ang kanyang sarili sa loob ng taxi ngunit napigilan niya ito.
Pinahinto ni Medina ang taxi at inagaw ang baril kay JetJet nang bigla itong pumutok ngunit maswerte namang tumama ang bala sa upuan at tumagos sa fuel tanker.
Lumabas ang driver sa kanyang taxi upang humingi sana ng tulong sa mga gumagapas ng tubo ngunit lumabas din ang biktima at bigla nitong binaril ang kanyang ulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lt. Col. Levy Pangue, station commander ng Police Station 3, itinuturing na suicide ang kaso ni JetJet at walang kinalaman ang taxi driver.
Humiling naman ang pamilya ng biktima na hindi pangalanan ang kanilang kamag-anak.