Ipinaliwanag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi agad makakansela ang mga pasaporte ng sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Guo at kaniyang mga kapatid na sina Sheila at Wesley Guo at Cassandra Li Ong na mga napaulat na umalis ng bansa noong nakalipas na buwan sa kabila pa ng pagkakasama ng kanilang pangalan sa ILBO.
Ayon sa kalihim, maaaring magdulot ng conflict o problema ang pagkansela sa kanilang mga pasaporte kapag ipinag-utos ang pagbalik ng mga ito sa Pilipinas. Aniya, kailangan nila ang kanilang mga pasaporte para makabiyahe pabalik ng bansa.
Sinabi din ni Sec. Remulla na hindi basta makakansela ang kanilang pasaporte dahil ito ay isang dokumento na ipinagkaloob sa kanila nang may kalakip na karapatan.
Nagbunsod ang isyu sa kanselasyon sa mga pasaporte nina Guo matapos maglabas ng isang memorandum si Executive Secretary Lucas Bersamin kahapon na nag-uutos sa DFA para kanselahin ang pasaporte ni Guo at mga kasama nito.
Sa kabila naman nito, sinabi pa rin ni Remulla na dapat masunod ang naturang kautusan.