-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling sinisi ng Department of Agriculture ang mga pasaway na traders at ilang mga sangkot sa smuggling sa pagkalat ng African swine fever (ASF) sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar na aabot na sa higit na 10 lalawigan sa bansa ang natamaan ng ASF simula pa noong Agosto.

Ang pinakahuli umanong mayroong kumpirmadong kaso ng ASF sa bansa ay sa Camarines Sur kung saan daan-daang baboy na ang isinailalim sa culling operations o kinatay dahil sa nasabing virus.

Tahasang sinabi ni Dar na kumakalat umano ang ASF dahil sa mga nag-uuwi ng baboy bilang pasalubong at marami pa rin umanong nagkukubli o nagtatago ng kanilang mga alagang baboy na maaaring tinamaan ng nasabing sakit ng baboy.

Idinagdag pa nito na marami rin umanong mapagsamantala at pasaway na hog traders na nagkakatay ng mga baboy na galing sa mga ASF- infected areas at ipinapasok ang mga ito sa mga lalawigan sa pamamagitan ng mga private vehicles upang hindi makita ng mga otoridad.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na kailangan umanong higpitan pa ng mga local government units ang pagpapatupad ng quarantine checkpoint sa lahat ng entry at exit points ng kanilang nasasakupan upang matiyak na walang nakakapuslit na produkto na maaaring pagsimulan ng virus.