Lumagda na ng kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Pasay City upang bumili ng 275,000 doses ng COVID-19 vaccine mula sa AstraZeneca.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, ipamamahagi nang libre ang mga bakuna sa mga residente ng siyudad.
Kabilang din aniya sa mga prayoridad na mabakunahan ang mga healthcare workers at senior citizens.
Paliwanag pa ni Rubiano, pinili ng LGU ang bakuna mula AstraZeneca dahil mas mura ito at may mas mataas na efficacy rate.
“Itong AstraZeneca COVID-19 vaccine… hindi siya masyadong mahal. Maganda o mataas rin yung kanyang porsyento ng pagiging effective kontra sa virus. At napakadali ng handling, kahit ordinaryong refrigerator lang ay puwede naming i-store ‘yung mga bakuna, dahil ‘yung handling at transportation ay amin din talagang inaasikaso,” wika ng alkalde.
Sinimulan na rin daw ng siyudad ang pagsasanay ng ilang mga tauhan para sa vaccination program.
Isa lamang ang Pasay City sa napakahabang listahan ng mga LGUs na pumirma ng kasunduan sa AstraZeneca.