-- Advertisements --

Ibinasura na ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang mga kaso ng sydicated estafa at violation sa Securities Regulation Code laban sa dating aktres at negosyanteng si Neri Naig-Miranda.

Sa isang statement post ng kaniyang asawa na si Chito Miranda sa social media kung saan kinumpirma ng FLO Attorneys-at-Law na iniutos ng Pasay RTC Branch 112 ang pagbabasura ng syndicated estafa na kaso laban kay Miranda.

Screenshot from Chito Miranda IG post @chitomirandajr

Screenshot from Chito Miranda IG post @chitomirandajr

Binanggit din na hindi aniya inakusahan ng mga pribadong complainants na sila ay nadaya ni Miranda, at wala silang inilahad na personal nilang transaksyon o ibinigay na pera kay Miranda.

‘Glaringly, the private complainants never alleged being defrauded by (Miranda)… More mind-boggling is that private complainants never asserted having personally transacted with or handed over money to (Miranda),’ ayon sa kautusan ng korte.

Dahil dito, tinukoy ng korte na hindi napatunayan ng mga ebidensiya na nagkasala si Miranda ng estafa, lalo na ng syndicated estafa. Ang desisyon ay kasunod ng reinvestigation na hiniling ng legal team ni Miranda, kung saan natuklasan ng mga prosecutor ng Pasay City na ‘walang probable cause upang idiin si Miranda.

Bukod dito, kinumpirma ng FLO Attorneys na iniutos din ng Pasay RTC Branch 111 ang pagbabasura ng mga reklamo laban kay Miranda sa paglabag sa Securities Regulation Code.

Samantala, nagpasalamat si Chito Miranda sa mga sumuporta sa kanyang asawa.

‘To those who chose to stand up and defend my wife, maraming salamat talaga,’ ani Chito sa kaniyang post sa IG nito.