Naghahanda na ngayon ang lokal na pamahalaan ng Pasay City para sa mga posible pang mangyari lalo pa’t naitala na sa lungsod ang mabilis na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Miko Llorca, pinuno ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nagpakalat na sila ng 100 contact tracers at mga nurse sa isolation facilities at mga ospital ng city government.
Nagpadala na rin ng karagdagang mga pulis ang PNP upang tulungan ang lokal na pulisya sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.
Tutulong din daw ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad.
Sinabi pa ni Llorca, sa pinakahuling datos, nakapagtala na ang siyudad ng 465 aktibong kaso, kung saan 50 hanggang 60 percent ng mga bagong kaso ang nakatira sa iisang bahay.
Aniya, ang mabilis na transmission ng COVID-19 ay posibleng dulot ng pagkabigo ng ilang mga residente na sumunod sa health protocols na mahigpit na ipinatutupad sa siyudad.
Nasa 56 mula sa 201 barangay na sa ngayon ang isinailalim sa localized community quarantine.