-- Advertisements --

Nilinaw ng pamahalaang lungsod ng Pasay na wala itong inisyung anumang business permit sa mga sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.

Sa isang statement, sinabi ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubio na ang kamakailang sinalakay na POGO facilities ay palihim na nago-operate at sa mga tagong lugar at hindi nago-operate sa ilalim ng anumang business license na inisyu ng Pasay city.

Nilinaw din ng alkalde na sumailalim sa mabusising pagsusuri ang lahat ng inisyung business permits ng lokal na pamahalaan sa mahigit 13,000 establishimento ngayong taon.

Aniya, 100% suportado ng lungsod ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mawaksan ang mga iligal na operasyon ng POGO sa bansa at hindi nila kukunsintihin ang mga iligal na aktibidad sa kanilang hurisdiksiyon.

Ginawa ng lokal na opisyal ang paglilinaw kasunod ng umano’y iresponsableng mga pahayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio may kinalaman sa mga iligal na operasyon ng POGO sa Pasay city na hindi makatarungang nakadungis sa reputasyon ng city officials.

Subalit iginiit naman ng alkalde na nagpapatupad na ang Pasay LGU ng striktong mga hakbang para matigil ang POGO operations sa kanilang nasasakupan.

Kabilang ang pinaigting na monitoring, mahigpit na regulatory enforcement at walang patid na kooperasyon sa national law enforcement agencies.

Nagbabala din ito na sinumang mapapatunayang lumalabag sa batas ay papanagutin.

Sa huli, nanindigan si Mayor Rubiano sa zero-tolerance policy sa POGO operations at hindi papayagan ang POGOs sa kanilang siyudad.